napagmunimuni ko na bakit di ko ihiwalay mga iniisip ko na mas magandang pakinggan pag tagalog? at tulad ng sinasabi ng title, kunwari seryoso ako. mahirap kasi magpakaseryoso (sa akin lang a), kaya ayan! basa na!

Monday, May 15, 2006

III: bakit arabian jasmine ang pambansang bulaklak?

Nagtataka lang ako. Bakit sampaguita ang bulaklak ng Pilipinas, at hindi ilang-ilang o kung anumang bulaklak na sa Pilipinas lang makukuha?

Hindi kasi magandang pakinggan.

Arabian jasmine. Pambansang bulaklak ng Pilipinas.

Kung hindi mo makuha ang punto ko, kawawa ka naman.

Friday, May 05, 2006

Pag-Ibig nga Naman...

Haay pag-ibig...

Matapos magbasa ng mga shoujo manga [pambabaeng comic books na istilong hapon], napaisip ako bigla tungkol sa pag-ibig.

Paano ba umiibig ang tao? Ano nararamdaman nila? Paano nila nalalaman na pag-ibig lang 'yon at hindi paghanga o 'crush' lang? Pag naging 'mog-on' na ang 2 tao (f2f, m2m, f2m) pano nila nalalaman kung ano na ang gagawin nila?

Pag iniisip ko ang mga bagay na yan, palagay ko alam ko yung mga unang mga tanong sa pakikiramdam at imahinasyon. Pero pag iniisip yung huling tanong, nahihirapan ako (ang weird, noh?). Ewan, pero pag iniisip ko yung parteng tapos na yung paghahabol at pag-co-confess, wala na kong maisip pang mangyayari. Siguro sadyang mahilig ako sa mga problema, bilang isang manunulat at gumagawa ng sariling 'manga.'

Haaay...

Nang magsimula uli ang isang pahina sa buhay ko (lalim, nasaniban ata ako), nagkaroon ako ng 'crush' na totoong tao. Sa kasamaang palad, tulad ng tukso ng ilang high school classmates ko kay Eriol ng Card Captor Sakura at Soujiro ng Rurouni Kenshin, bakla siya. Well, hindi bakla na bakla, pero... effeminate. Yung tipong mas mahinhin pa siya sa kin. Buti na lang crush lang 'yon, kasi kung pagbabasehan ang mga babae sa shoujo manga at sa mga manga, baka inatake na 'ko sa puso. Bata pa 'ko, kahit 18 na. Marami pa 'kong pangarap sa buhay. Ayoko pang ma-gokti. Ayoko pang sunduin ni Azrael, kahit astig pangalan niya.

Inobserbahan ko ang mga anime/manga na lalaki na crush ko. Pansin ko, either may kontrabida o naughty vibes sila o kaya naman e mas matanda sila sa 'kin in real life, tulad ni Shigure Sohma, Kakashi Hatake, Hatori Sohma, Urahara Kisuke at Ichimaru Gin. Ang mga edad nila e hindi bababa ng 25.

Kaya siguro mas matanda sa 'kin ng mga ilang taon yung crush ko ngayon. Sa totoo lang hindi ko alam kung crush ko lang siya o talagang hanga langa ako sa kanya. Gusto ko siyang maging kuya pero sabi ng mga kapatid ko mismo sobra na 'ko, crush na raw yun. Ewan.

Syempre hindi ko na siya i-de-describe, baka malaman pa ng mangilan-ngilang tao kung sino siya, mahirap na. Peace!

Habang nag-iisip tungkol sa pag-ibig para sa manga ko, tinanong ng kapatid ko paano daw kung naging 'kami'.

EWAN.

Hindi ko nga alam kung ano na pagkatapos maging 'sila' ang dalawang tao eh, kulit. Kahit imahinasyon ko hindi maabot 'yon.

At hindi, wala akong balak 'palaguin' yung 'crush' ko sa 'crush' ko. Yun na lang yun. Di ko nga alam kung gusto ko siyang kuya na lang, kasi gusto ko talagang magkaroon ng kuya dahil ipinanganak akong panganay, o kung crush ko na lang siya.

Haay, kahit pala 'crush' lang e nagiging problema. Parang nakaka-kunsumisyon tuloy ang pag-ibig.

Gudlak sa pag-ibig, mga ate, kuya.

Isa pang UP joke...?

Conservative nations to America:
"It's a different world out there..."

Americans to Philippines:
"It's a different world out there."

Filipinos to UP:
"It's a different world out there!"


Hindi ko alam kung may joke nang ganyan. Nasa MRT ako pa-southbound ng EDSA nang maisip ko ang phrase na "It's a different world out there," na hindi ko sigurado kung yung isa sa mga sikat na astronaut na nakarating sa buwan ang nagsabi o kung sinuman. Pero sa palagay ko yung astronaut nga nagsabi nun.

Sa palagay ko maraming joke na ang ganyan, o parang ganyan. Maraming joke na kasi na tungkol sa UP, pero di tulad ng AMA jokes, bida madalas ang UP sa jokes na yun (kung hindi lagi).

*labas ng baluti laban sa mga nagpoprotesta*

Napaghahalataan kung saan ako nag-aaral, 'no?

Hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan ang ibig sabihin ng mga tao na "Para kang nasa ibang mundo pag pumasok ka ng UP [madalas tinutukoy dito yung Diliman]." Lumaki ako sa Cavite kahit na sa Manila ako ipinanganak. Sa Cavite ko ginugol ang pag-aaral ko mula Nursery hanggang fourth year high school, at sa iisang eskwelahan lang 'yan, ang Child Development and Guidance Center kung saan ang nagtatag nito e nagtrabaho rin sa UP [o nag-aral dun? Di ko maalala...].

Nag-aral ako sa iisang paaralan. Maaaring private nga at non-sectarian, pero iisang eskwelahan pa rin. Pero bakit hindi ako na-weirduhan o nanibago sa UP nang nagsisimula na 'kong mag-aral doon?

May nagsabi sa 'kin kasi weirdo din ako, in a way. Hindi naman siguro. Pumapasok pa naman ako nang naka-tamang damit, at hindi naka-pantulog (kahit na minsan e parang naka-pambahay lang ako).

Pero ba't di ako nanibago?

Minsan lang ako pumunta ng Manila, kahit sobrang kapitbahay ng Cavite ang Manila. Pumupunta lang ako do'n pag bumibisita sa kung sinumang kamag-anak o kung saan man, pero yun lang, walang lakwatsa sa Manila o kung anuman.

Pero bakit?

Good adaptation skills?

Oh c'monst.

Hmmm... Ewan, napapagod na akong mag-isip.

Siguro nga "Feels like home."

Good luck na lang sa 'kin sa second year ko, malapit na first sem...

Saturday, April 22, 2006

Tren, Ipis at Kuliglig

Lahat ito nangyari noong April 17, ang dapat unang araw ko ng summer class cwts1 at cwts2 (pero pagdating ko sa UP wala palang pasok pag Lunes! Agh!)

Habang nakapila ako papasok ng station ng MRT sa Taft, nakarinig ako ng kuliglig. Wow. Kuliglig. Sa MRT station. Astig.

Summer na nga.

Habang pauwi galing UP, habang naghihintay ng LRT sa may Katipunan station, may nakita akong ipis sa train tracks. Nagulat ako. Gusto kong kunan ng picture gamit yung camera ng cellphone ko (kung bawal ang picture taking sa train station, dapat siguro ipasara nila mga cellphones with cameras; pero matinding gulo yun, parang SOP na kasi ang cellphone na may camera ngayon). Kaso nga lang walang zoom cellphone ko. Sayang.

Astig. Ipis sa istasyon ng tren. At yun pa yung paborito kong istasyon at paborito kong tren.

Habang nanghihinayang ako sa di makunan na litrato ng ipis, naramdaman ko na naman yung sakit sa balikat ko. Magaan lang, pero mahapdi pa rin sunburn ko galing sa swimming nung nakaraang araw lang, Linggo. Kahit magaang na hawak lang, napapakunot noo ko sa sobrang hapdi.

May tan line nga, sunburn naman abot.

Masarap mag-tren. Noong first time ko uli sumakay ng tren matapos ang maraming taon (as in marami, sa Hong Kong pa huling tren ko), kinabahan ako. Ang dami kasing tsismis at reklamo na mainit sa tren at mabaho, amoy putok daw lagi at masikip. E madalas ko ngang nakikitang masisikip ang tren, parang sa Japan, kaya talagang kabado ako. Summer pa naman nun (last year lang!).

Pero pagsakay ko ng tren, malamig! Masarap sa pakiramdam! Tapos maluwag naman, pero lahat ng upuan nakuha na.Tumayo ako sa may malapit sa pintuan. Habang nakatingin sa mga building sa labas nung tren, naisip ko yung mga anime at manga na napanood at nabasa ko na may scene sa tren. Ganun pala yun...

Sa ngayon (at sa panghabambuhay ata), LRT Purple Line ang paborito kong train line dito sa bansa, kasi maluwag, palaging malamig, mas tahimik kumpara sa iba pang istasyon ng tren, at maganda talaga ang mga istasyon nila, maaliwalas talaga. Tawag ko do'n minsan e 'Ang Sosyal na Tren' or 'Ang Pang-sosyal na Tren', kasi feel mo na yun e 1st class (kahit papaano).

Ang ayaw ko lang e yung mga lakad na ginagawa ko pag napunta ng mga istasyon, kasi kung hindi mainit yung araw, mainit naman yung hangin. Kung sobrang malas pa, parehong hangin at araw ang tila gustong iprito ako. Kaya pag napasok na 'ko ng tren, laking ginhawa ko.

Di naman halatang tamad ako mahirapan at maglakad, noh?

May mga nakakainis nga lang sa pagsakay sa tren. Mga tao. Lalo na sa MRT sa may kahabaan ng EDSA. Marami kasing mga tao na walang pasensiya, basta bumukas ang pinto ng tren, kulang na lang may itak silang dala, pati bandila, sabay sigaw "SUGOOOOOOOOOOOOOOD!!!!!!!!!"

Na-shock ako nung mainkwentro ko ang ganitong pangyayari. Di ako nakahinga, masakit yung magkaka-ipit sa 'kin ng mga nangigitgit at natamaan pa ko sa dibdib (maaaring maliit lang hinaharap ko, pero masakit pa rin yun!). Nung nangyari sa 'kin yun ng pang-apat (o pangalawa) na beses, yung ale na halos nadaganan ako at tinamaan talaga ako e ginitgitan ko. Tipong kahit pisat ako sa gilid nung ale at isang mama, tinulak ko siya gamit ang 115 lbs kong katawan papuntang kanan, kung saan tinulak naman siya pabalik sa kin. Hehe buti na lang nakapasok ako agad, kundi parang naka-resbak yung niresbakan ko. Lungkot naman nun kung sakali.

Pero sa ngayon di pa ko uli nakaka-experience nun (salamat naman at ang sked ko e wala sa rush hour) at di na 'ko naniniko at nanunulak (isang beses ko lang yun ginawa, at yun yung matabang ale nga). Nakakaawa yung mga nakikita kong nasasaktan dahil sa mga walang kwentang tao na parang walang alam tungkol sa RESPETO at PAGBIBIGAYAN lalo na sa mga matatanda, may dalang bata, mga nagdadalang-tao at mga helpless na mga babaeng patpatin. Naaasar talaga ako sa mga pasimuno ng tulakan. Bihado sila yung mga mamamatay pag may stampede sa tren. Sana nga.

Noon gusto kong pumuwesto sa harap ng mga pinto. Delikado pala yun, masasagasaan ka at istorbo yung mga taong pumapasok. So change tactics! Sa gitna na 'ko ngayon ng mga upuan, di sa gitna ng trailers na sobrang init, kasi doon naka-concentrate halos yung mge fan ng aircon. Mmm! Lamig!

Tuwing may nagpapaupo sa 'kin na tao, natutuwa ako, kasi may mga mababait pang tao sa mundo. Lalo na pag nagpapaupo sila ng matatanda at mga buntis at mga taong may mabibigat na dala (tulad ko, tuwing weekend).

Di naman halatang nagdadala ako ng labahin sa bahay, noh?

Gusto ko talagang makakita ng driver ng tren na lumabas sa driver's seat. Isang araw aabangan ko yun.

Pa'no kaya kung naiihi sila o natatae? May spare driver ba? Paano kaya pinapatakbo ang mga tren ngayon? Gusto ko ma-experience yun kahit isang beses lang...

Latest update sa mga tren ng bansa ngayon - ilang araw nang nakakalipas nang i-anunsyo ng MRT na may sariling 'karwahe' (di ko alam tagalog nun e) na ang mga babae, matatanda at mga bata. Ayos, convenient para sa 'kin, kasi lagi ko siyang naaabutang maluwag. As in maluwag.

Kaso nakakaasar kasi may mngilan-ngilang hindi pa matatandang lalaki ang nakakapasok. Napapaisip ka tuloy kung may kwenta ba yung mga gwardya at harang.

Nakakainis pa ay mga nag-iinspect ng mga bag. Pipila ka para makapasok, kasi SOP na na iinspect ang mga gamit bago sumakay ng tren. Anak ng gulay, matapos mo maghintay, makikita mo na isang tingin lang nila e ayos na raw! Pa'ano kaya kung magdala ako ng bomba (pero di pasasabugin) sa mga tren? Bihadong di nila malalaman yun.

Pag-aaksaya talaga ng oras, di ka pa siguradong ligtas ka. Walang kwenta.

Buti na lang mahal ko ang pagsakay sa tren.

Tao = Langgam

Noong April 18 (mga apat na araw nang nakakalipas), habang naglalakad ako mula MRT Cubao station papuntang LRT Cubao station, nag-obserba ako sa paligid tulad ng lagi kong ginagawa (pwera lang kung may iniisip ako para sa mga storya at manga (Japanese-style comics) ko. Habang tinatahak ang daang kung saan marami ang dumadaan (ang gulo ata), nakita ko ang ilang taong pag nagsasalubong e tumitigil, tapos dadaan sa magkaibang direksyon. Marami akong nakitang ganun (kahit ako napaganun) at matapos kong masalubong ang isa pang tao, naisip ko na parang langgam ang mga tao. Napakarami, at pag may dinaanan ang ilan, yung na ang nagiging 'daanan'. 'Path' kung baga. At pag may nasusulubong ang mga tao, parang mga langgam sila na nagpapakiramdaman bago dumaan sa magkaibang direksyon.

Sa susunod oobserbahan ko naman kung saan kadalasan lumiliko ang mga tao pag may nasasalubong -- sa kaliwa o sa kanan. Sana lang di ko makalimutan.

Attack of short term memory loss Part 1

Habang nasa jeep pauwi galing sa isang resort sa Dasma, nagbayad ako ng pamasahe. Makaraan ang ilang minuto may binigay na sukli yung 'treasurer' nung driver ng jeep. Sukli daw ng P100. Pinasa ko sa kaliwa ko, sa pag-aakalang doon yung may-ari. May mama na kinuha yung pera at nagbigay ng P100 bilang bayad. Pero mukha siyang nagtataka. Kahit ako nagtataka kasi nauna pa sukli niya kaysa sa bayad. Tapos nagsalita lahat ng tao! Sige na, mga 90% sa kanila. Di ko maintindihan sinasabi nila, kahit nung 'treasurer' nung jeep. Tapos sabi nila sukli ko yun, na P100 yung bayad ko kaya ganun kalaki sukli ko. Sabi ko sobra yung sukli, P20 lang bayad ko. Alam ko talaga P20 binayad ko eh... Nung nagbibirong sinabi ng katabi ko na ayaw ko raw yung sukli, kinuha ko na yung pera. Makaraan ang ilang minuto, do'n ko naalala na P100 nga binayad ko. Lumalala na ata memorya ko...

Tuesday, April 18, 2006

II: tinola

noong nakaraang taon, mga ilang buwan nang nakakalipas, hapunan naman namin ay tinola. minsan ayoko ng tinola, minsan gusto ko. kung iisipin mo, sino ba'ng may gusto ng tinolang lasang tubig??? pero masarap naman ang mga tinola noong mga nakaraang tinola ulam namin, kahit na ayoko pa ring kainin yung sayote. yung kapatid kong lalaki na mas bata sa 'kin ng 6 na taon, talagang ayaw ng tinola kahit masarap yung sabaw (napaghahalataang di nakain ng gulay o manok, *ahem*).

bago kumain, nakatitig lang ako sa ulam. naisip ko ang dahilan kung bakit 'tinola' and pangalan ng 'tinola'. habang tumatakbo sa isipan ko ang 'kwento ng tinola', sya namang pagkukwento ko sa dalawa kong kapatid na utouto sa mga kwento ko.

noong matagal na panahon (sige, ilang dekada lang nakakalipas), may isang nanay na nakaimbento ng kakaibang lutuin na masarap. meron itong dahong gulay (di ko kasi alam pangalan ng gulay na yun... malunggay?), sayote, manok, at manilaw-nilaw at masarap na sabaw. pinatikim niya yon sa mga kakilala't kapitbahay niya at nagustuhan yun ng mga tao, hanggang sa nakarating ang kasikatan ng luto niya sa iba't-ibang lugar ng pilipinas.

dahil sa isang isla sa kapuluan ng visayas nanggaling ang masarap na ulam, do'n ginaganap ang taunang paligsahan sa paggawa ng tula na iniaalay sa sikat nilang ulam. dahil sa tradisyong ito'y naisip ng imbentor ng ulam na pangalanang 'tinula' ang ulam.

ngunit dahil sa accent ng mga taong namumuhay sa mga isla ng visayas, inisip ng mga tao na nakatira sa mga karatig-parte ng pilipinas na luzon at mindanao na ang tawag sa ulam na 'yon ay 'tinola.'





at 'yon ang kwento ng tinola, bersyon ko. walang gayagaya ah! *labas ng itak*

Monday, April 17, 2006

I: bangus, at bakit ito ang pambansang isda (ata)

kanina ulam namin sinigang na bangus. hindi ako masipag sa paghihimay ng matinik na isda, kaya di ako nag-isda, gulay na lang (na himala by itself).

habang tinitingnan ang bowl namin na pinaglagyan ng ulam na yon (na para sa 'kin na isang tamarin ay kahindik-hindik) ay naisip ko kung bakit bangus ang pambansang isda natin... kung yung pa nga rin. sumama talaga loob ko nung pinalitan ng agila yung maya, kasi section ko sa klase yung maya nang natupad yun.

ayan lumalayo na naman usapan...

habang tinitingnan ang bowl na may isda pa rin (pare-pareho kaming tatlong magkakapatid ng opinyon tungkol sa bangus), naisip ko kung bakit talaga bangus ang pambansang isda ng pilipinas (kung yun pa nga rin).

parang pilipinas din kasi ang bangus. mahina sa depensa mula sa labas dahil di tulad ng porcupine fish, nasa loob ang mga tinik niya. kung iisipin mo, kahit hindi totoo, kung simple ang utak ng mga tao, iisipin nila na masakit yun. tinik na nasa loob ng katawan. ouch.

yon ang pinagkatulad niya sa pilipinas. hindi problema sa relasyon sa labas ng bansa ang malaking problema natin, kundi ang sa loob mismo ng bansa natin. ang daming problema sa kaliwa't-kanan, at ang mga tao naman e kung sinu-sino tinuturo. syempre number one sa black list nila e ang gobyerno.

namatay ang kapatid ni juana. kasalanan ng gobyerno.

nawalan ng trabaho si tatay. kasalanan ng gobyerno.

nag-ibang bansa si panganay at nanay para kumita ng pera habang nagkukuskos ng kubeta. kasalanan ng gobyerno.

walang makain si itim at puti at kulas. kasalanan ng gobyerno.

kung iisipin, sinu-sino ang nakaupo sa napaka-intriguing na opisinang yun na daig pa ata ang showbiz sa kasikatan at kulay ng istorya?

marami masyado, wag ko na ilista. isa pa marami sa kanila di ko kilala, at mas marami pa ang ayoko nang makilala pa, kahit na alam ko pangalan nila (at minsan mukha).

bakit sila nakaupo doon?

dahil sila ang mga binoto.

nino?

ng mga na-brainwash, mga binayaran, mga masugid na tagasubaybay at tagahanga, at mga nanood ng pelikula't palabas nila.

sino ang dapat sisihin ngayon?

hindi sila, tanga! sarili ang sisihin!

bumoto ka ba? ikaw ba nagdesisyon ng boto mo? nandaya ka ba? nagpadaya ka ba?

ako underaged pa last botohan, so no-no pa voting. di naman ako maimpluwensiya so walang magbabago ng boto kahit ano pa sabihin ko (isa pa wala akong alam at care).

haaaaayyyy inaantok na ko...

ayun.

yun ang dahilan kung ba't bangus.

nasa loob ang problema, at napakarami nila. ang mga problema.

ang mga tao mismo.

*baw*

yosh!!!

ano ba to sabi niya tagalog ito?! ba't hapon ung nakasulat na title?!

siguro pinagkalulo (o luno?) mo na kaluluwa ko sa galit mo kung tagalog geek ka. kung hindi, pwends pa rin tayo! *mwa*

bakit ko naisip 'to, kako?

ewan. siguro dala ng kakabasa ng mga libro ni bob ong nang magkakasunod (sige na nga, ung una't huling libro niya! ABNKKBSNPLAko?! and Stainless Longganisa). nainspire ako na ewan.

naku ayan na naman siya magsisimula ng kung anuanong ka-ewnanan tapos matitigil na lang!

malamang sinabi mo yan kung close kita. kasi ganon akong tao. pag nai-inspire, gagawa kasi sinisipag. pag naglaon (lalo na kung kailangan ng mala-impyernong research) wala na. on probation. tapos, suspended. tapos kick out (minsan).

pero palagay ko naman di to matitigil, kasi di naman kailangan ng mala-impyernong research at pera (pwera kung mag-co-computer shop ako). matitigil lang siguro ito pag di na nag-fu-function ang brain ko at pag na-delete ko itong blog na to (na imposible, di ako tanga, minsan lang, at tawag dun 'accident prone').

ano ba laman ng blog na 'to na halatang walang alam yung gumawa sa blogging kasi sobrang basic ng laman?

*binato yung nagsabi ng basag na bote ng alak*

*ahem*

ginawa ko to para sa 'kin! bwahahahahahaha!!!

*binilaukan* *ubo* *ubo* *ahem*

wala, ginawa ko lang 'to para masulat mga obserbasyon at mga naiiisip ko na parang medyo wala na sa karakter ko kasi di ako maseryosong tao (sabi ng marami).

ayoko ng politics (nakaw ingles na naman po!). ayoko ng social issues. ayokong pag-usapan ang relihiyon. pero yon malamang masusulat ko dito.

walang pakilamanan.

pero kung gusto mong mamputakte at mambwisit, sure, pindutin mo yung 'comments'.

basta wala pa ring pakilamanan.

ok?

*baw*